WANTED: DETERMINADO AT MAPAMARAANG KRISTIYANO!

WANTED: DETERMINADO AT MAPAMARAANG KRISTIYANO!

Sa simula pa’y problema na ng mga manunuri ng Banal na Kasulatan ang talinghaga ni Hesus tungkol sa ”Tusong Katiwala “ (Lukas 16:1-13). Pinupuri ba at tinatanggap ni Hesus ang katiwaliang ginawa ng katiwala? Alamin nating hindi. Ngunit paano natin uunawain ang talinghagang ito.

Linawagin natin na ang punto ng talinghaga ay isang paghahambing o paglalarawan ni Hesus sa kongkretong sitwasyon ng buhay. ”Mas mahusay gumawa ng paraan, ”wika Niya“ ang mga makasanlibutan kaysa sa mga maka-Diyos. "Higit na determinado, matalino at mapamaraan ang mga anak ng sanlibutan” tungkol sa kanilang tagumpay sa mundong ito kaysa sa mga “anak ng Liwanag” Tungkol sa kanilang kaligtasan sa mundong  ito hanggang sa buhay na walang hanggan!

Dito pa lamang ay matatauhan na tayo. Sa mga salitang ito ay maaaring maramdaman natin ang mapagmahal na pitik ng Panginoon. Marami tayong kilala na tila baga walang interes at walang panahon sa paglilingkod sa Diyos at pagtulong sa kapwa, pero kahanga-hanga ang kanilang sipag, tiyaga, at pagiging maabilidad sa pagkita ng pera. At ganoon din ang kanilang sakripisyo sa walang tigil na pagpapalago ng sariling negosyo—sa tamang paraan man o mali.Kitang-kita ng lahat ang kaninlang walang pasubaling pagiging “hasler” upang magtagumpay sa buhay na ito.

Ang nakakalungkot diyan ay,imbis na makapagbigay ng liawanag at direksyon sa mga “makamundo” ang mga hayagang alagad ni Kristo, madalas ay sila pa ang bumibigay sa ganoong takbo ng pamumuhay.

Totoong damang-dama ng baway isa at bawat pamilya ang higpit at bigat ng mga pangangailangang material o pinansyal sa panahong ito. Ngunit pinaaalalahanan tayo ni Hesus na mayroon tayong mga panganagilangan higit pang mahalaga kaysa sa pagkain ng katawan at kaluwagang material.

At ito’y ang buhay ng Diyos sa atin na pinauunlad ng determinado at mapamaraang pagsunod sa mga prinsipyo ng Mabuting Balita ni Kristo.

Ang aral ni Hesus sa talinghaga ay ang pagbibigay ng pangunahing halaga sa pagtaguyod at pagpapalagi ng Paghahari ng Diyos sa buhay ng bawat isa at ng Sambayanan. Ito ang bukal ng pagkaksundo, kapayapaan, kagalingan, at malalim na galak. Ito ang tunay na yamang nananatili at nagliligtas hanggang sa buhay na walang hanggan.

Ang anumang yaman, dunong, o tagumpay ng isang Kristiyano ay ipinagpapasalamat niya sa Panginoon at ginagawa niyang paraan ng pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa tao. ”Gamitan ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap sa inyo sa tahanang walang hanggan”

Isang halimbawa sa kongkretong buhay. Hindi ba’t kagilasgilas ang determinasyon, tapang, at sakripisyo ng mga teroristang nagpakamatay sa pagsabog ng mga eroplanong bumangga sa World Trade Center. Tulad ng mandarayang katiwala ay matindi natin silang kinokondena at ang kasamaang ginawa nila! Pero sa totoo lang, bilib din tayo sa kanilang tapang at talino. Malayong Malaya tayo sa kanilang paninindigan sa prinsipyong kanilang pinanininwalaan.

Gawin natin ang lahat upang ang Paghahari ng Diyos ay maging ganap sa atin sa mundong ito at sa buhay na walang hanggan!

Fr. Ben Gomez,OMI
Grace Park Cross  September 23,2001

Comments