WALANG PEKE SA PAGKA – KRISTIYANO

WALANG PEKE SA PAGKA – KRISTIYANO

Ang buhay Kristiyano ay hindi maaring peke, puro make-up, mascara o balat kayo, tulad sa isang pelikula. Ang buhay ng isang Kristiyano ay marapat lamang na maging isang makatotohanang tugon sa mga hamon ng panahon. Wika nga ni Hesus, "Ang umiibig sa Akin ay tutupad ng Aking Salita.” Ito ang nilalaman ng isang madamdaming awitin: “Ang mabuhay sa pag-ibig ay pagbibigay na di nagtatantiya ng halaga.”

Ang isang Kristiyano, taglay ang pangalan at tatak ng kanyang pagkakatalaga kay Kristong Muling Nabuhay, ay marapat lamang na maging isang lingkod na handing harapin ang mga hamon ng kanyang  pagka-kristiyano. Siya ay hinahamong maging makatotohanan at matapat sa kanyang pagtugon sa kanyang pangako sa binyag, na talikdan ang kasamaan at  panindigan ang kabutihan at katotohanan.

Magpakatotoo ka! Ngunit para sa Kristiyanong manlalakbay an gating makatotohanan sa pananagutan ay hindi kailanman naghihintay. Ito’y naghahanap ng mga pagkakataon at paraan upang maisabuhay. At napakaraming pagkakataon at paraan sa araw-araw ----simula sa buhay-mag-anak, sa buhay sa pamayanan, sa negosyo, at maging sa politika.

Hindi kailanman naglalaho an gating pananagutan maging larawan ni Kristo kahit sa pagpasok sa larangan ng politika o pangangalakal o sa pagkakaroon ng iba’t-ibang pinagkaka-abalahan sa buhay.

Sa halip ay dapat nating taglayin sa atimg pagkatao ang larawan ni Kristo, ang tatak ng ating pagiging mga alagad Niya sa lahat ng antas ng ating pakikilahok at pakikisalamuha sa lipunang ating  ginagalawan.

Higit kailanman, ngayon ay kinakailangang makintal sa isipan at kamalayan ng bawat Pilipino, lalo’t higit sa  kamalayan ng mga mananampalataya, na ang tanging paraan upang manumbalik ang makatotohanang panunungkulan at pagtalikod sa bayan ay kung ang bawa’t isa, pinuno man o pinamumunuan, ay handing panindigan ang mga pamantayan ni Kristo sa pagtugon sa hamong maglilingkod sa kapwa.

Madaling magpapogi sa harap ng mg tao. Marami tayong malilinlang dahil sa iba’t-ibang mascara at balatkayo na ating isinusuot. Ngunit ang mga ito ay hindi kailanman magiging daan n gating paglago at pag-unlad. Manapa’y magiging ugat ito ng katiwalian at panloloko sa taong-bayan.

Ang ating kailangan ay hindi “weder-weder" o pekeng paglilingkod. Kailangan ngayon ang makatotohanan at tapat na paglilingkod. At ang tapat na paglilingkod ay napapanahon sa lahat ng pagkakataon.

Ang dalisay at tapat n apag-ibig sa Diyos ay hindi lamang pang-Pasko o pang-kwaresma. Ito’y pang-araw-araw sa buhay ng idang Kristiyano..!

Msgr. Melchor D. David
Grace Park Cross May 20, 2001

Comments