Siya na nga ba?

Siya na nga ba?

Nitong mga araw na ito, ang ating mga puso ay naantig, ng mga larawang ating nakikita sa TV ng mga nakakaawang nangyari sa mga biktima ng landslide dito sa probinsya ng Quezon. Hindi lamang sila nawalan ng kanilang mga minamahal sa buhay. Labis na pagsubok ang kanilang dinaraanan, at kanilang naitanong, may kinabukasan pa bang naghihintay? Mayroon bang sasaklolo sa amin?  Darating pa kaya ang kaligtasan?

Ang ganitong matinding pagsubok ay dinaanan din ni San Juan Bautista noong siya ay nagdurusa  ipinatongsa bilangguan, at nanganganib ang kanyang buhay. Kaya nga sa kadiliman ng kanyang bilangguan ay kanyang ipinatanong  sa atin kay Hesus ang katanungan narinig natin sa Ebanghelyo: Ikaw na nga ba ang darating na Mesias,o maghanap pa ba kami ng iba? Ang katanungan ito ay napakahalaga kay Juan, dahil kung hindi nga si Hesus ang kanyang hinihintay na Mesias, ay mamamatay na lang siyang parang inaksaya niya ang kanyang buhay. Sapagkat ibinuhos niya ang lahat, upang ipaghanda ang mga tao para tanggapin si Hesus bilang matagal nang inaabangang Mesias. Mauuwi sa wala ang lahat ng kanyang pagsisikap.

Kaya nga kaagad binuhay ni Hesus ang pag-asa ng kanyang  pinsang si Juan, nang ipinasabi niya, na siya nga talaga ang pinakahihintay na Mesias. At ang tanda nga nito ay ang pagpapagaling ni Hesus sa mga bulag, pipi, pilay, ketongin at mga inaalihan ng demonyo. Ito rin ay Makita sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan at pagtanggap ng mga mahihirap ng mabuting balita.

Maraming mga nagdurusa tao ngayon,kagaya nga ng mga biktima ng kalamidad sa Quezon, ang nasa kadiliman at nagtatanong: may pag-asa pa ba ang buhay? May bukas pa ba tayong haharapin? Natutulog ba ang Diyos? At kagayan din ng mga libo-libong tumugon sa mga pangangailangan ng mga biktima, mga kapamilya man sila o kapuso, kanilang winiwika sa kanilang kagandang loob: May pag-asa pa ang buhay! May bukas pa tayong haharapain? Gising na gising ang Diyos sa mga puso ng napakaraming tao na may malasakit sa kanilang kapwa.

Ngayong nasa pangatlong lingo na tayo ng Adbiyento, palakasan at patindihin pa natin ang pangkakawanggawa para sa ating mga kapatid na sinasalanta ng iba’t-ibang hagupit ng pagdurusa. Ipagpatuloy natin ang pagbabago n gating buhay at n gating lipunan, upang ang Makita ng mga nag-aalinlangan,na naandito na mga ang Tagapagligtas na si Hesus na buhay na buhay at aktibo sa simbahan at sa mundo.

Fr. Teddy Castillo, OMI
Grace Park Cross December 12, 2004

Comments