PROBLEMA BA NA NAPAKALAKI NG TIWALA NG DIYOS SA ATIN?

PROBLEMA BA NA NAPAKALAKI NG TIWALA NG DIYOS SA ATIN?

Problema ba na lubos-lubusan ang tiwala ngg Diyos sa atin? Kaya maraming ayaw lumapit sa Panginoon. Kapag napalapit ka raw ng husto sa Kanya tiyak na dadami ang problema mo. Sa totoo lang, makikita natin ang hamon ng Diyos.

Ang nagliliyab, ngunit buhay, na halaman ay ang Banal na Presensiya ng Diyos kay Moises (Exodo 3). “Hubarin mo ang iyong panyapak, banal na pook ito. Ako ang Diyos ng iyong mga magilang.” At sa liwanag ng Presensiyang iyon natanto ni Moises ang paghihirap ng mga Israelita sa Ehipto at ang malaking habag ng Diyos sa kanila.Nais ng Diyos na hanguin sila sa paghihirap. At si moises ang pinagkakatiwalaan niyang haharap sa Paraon at maglilikas sa buong bayan mula sa Ehipto! Sa pananahimik ni Moises bilang isang pastol ng mga tupa at isang panatag na ama ng pamilya,”nagkaproblema” siya, sapagkat lumapit siya sa Buhay na Presensiya ng Panginoon.

Tumutol si Moises dahil sa siya’y isang pastol lamang na walang kayang gumanap ng ipinagagawa ng Panginoon, ang tugon ng Diyos ay tahasang pagtitiwala kay Moises na pinangakuan Niya ng lubos na paggabay at panagngalaga: “Ako’y si Ako Nga Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Ako Nga ang Diyos ng inyong ninuno!”

Ganyan kalaki ang tiwala ng Diyos at Ama sa ating kakayahang itaguyod ang Kanyang Kalooban. Sa halip na magreklamo tayong sinnasagad naman ng Panginoon ang pagsubok sa atin, damhin nating nilulubos ng Diyos ang tiwala at pag-asa niyang gagawin natin an gating bahagi sa pagliligtas sa sarili at sa kapwa. Hinahamon tayo ng Diyos na itaya angg mga kakayahang ipinagkaloob Niya sa atin.

Ito ang matingkad na aral sa Ebanghelyo ng Linggong ito (Lukas 13:1-9) Inilagak na ng Diyos sa punong igos ang lahat ng katangian at kakayahan upang maging ganap at kapakipakinabang. Nararapat lamang na hanapan ito ni Hesus ng Karamatang bunga. Ngunit kaakibat ng paghamon ng Diyos, naroon din ang Kanyang mapamahal na pag-unawa at pangangalaga. Hinayaan ni Hesus na ito’y mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.

Ngayong kwaresma, lumapit tayo sa Ama. Sa pagliliyab ng Kanyang Pag-ibig alamin natin at tanggapin ang inaasahan Niyang pagbabalik-loob at pagiging masigasig sa kapakanan ng kapwa. Ikaligaya natin na napakalaki ng tiwala at “expectation” ng Ama sa atin bilang mga anak na pinakamamahal.

Fr. Ben Gomez, OMI
Grace Park Cross March 18, 2001


Comments