PAANO BANG PURIHIN ANG PANGINOON?
Purihin ang Panginoon, ang madalas sambitin ng maraming mga kristiyano o ng mga taong naniniwala raw sa Diyos. “Sinasamsa ka naming Panginoon" ay isa rin sa mga pahayag ng mga mananampalataya. Maganda at tunay na banal ang gawang lamang sa pamamagitan ng bibig? Iyan ang isang napakahalagang tanong na dapat nating pagnilayan dahil marami sa atin ay nagiging mga tagasamba pambibig lamang.
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang kapistaha ng pagpapakita
o pagpapahayag ng Diyos. Ang Diyos ay naging tao at nakipanahan sa atin. Pero ang
pagpapahayag ng Diyos ay sa pamamagitan din ng lahat ng nilikha, gayun din ng
lahat ng ating karanasan sa buhay mabuti man o masama. Kung Siya ang Diyos na
makapangyarihan na nananatili sa atin, ibig sabihi’y sa lahat ng dako at lahat
ng panahon Siya ay nariyan. Kaya nga dapat natin Siyang makilala at masamba.
Paano ba tayo sumasamba sa Diyos? Ang pagsisimba ang
pangunahing paraan na nakagawian ng mga kristiyano. Subalit ito ay hindi pa rin
mapagbuti ng ilan, na habang ang kanilang labi ay sumasambit ng dasal at awit ng
papuri sa Diyos ang kanila nmang puso at gawa ay iba ang ipinahahayag na
taliwas sa kahulugan ng pagsamba. Kaya nga’t ang pagsamba na ginagawa ay
nagiging: "lip service" lamang. Sa parokya ng Our Lady of Grace, napakaraming
nagsisimba araw-araw, lalo natuwing Linggo. Kung ang pagsisimbang ito ay
bumubukal sa isang tunay na kahulugan ng pagsamba sa Diyos sa lahat ng kanyang
paraan ng pagpapahayag, marahil ang mundo ay magkakaroon ng malaking pagbabago.
Ang hamon ay sambahin ang Diyos,panimula sa ating
sarili. Igalang natin ang ating buhay bilang unang pagpapahayag ng Diyos ng
kanyang sarili. Di ba’t tayo ay nilalang na kalarawan ng Diyos? Kung makikta
natin Siya sa ating sarili, kaugnay niyan ang pagkilala natin sa Kanya sa ating
mga kapwa. Hanggang sa tunay nating Makita ang Kanyang mukha sa buong
sangnilikha; kapaligiran, halaman, hayop, ilog, lupa, atbp. Ano ang kahulugan ng
pagsisimba natin kung inaabuso natin ang ating katawan? Ano ang silbi ng
pagbanggit natin ng “Purihin ang Panginoon” sa loob na simbahan kung puro
pagmumura ang lumalabas sa ating bibig kapag tayo ay nasa bahay kapiling ng ating mga mahal sa buhay? Ano ang halaga ng pagluhod natin kung hindi naman
natin ginagalang ang kalikasan?
Purihin natin ang Panginoon simula sa ating mga labi, galing
sa ating mga puso, hanggang sa ating buong buhay. Sambahin natin ang Diyos sa
loob at labas ng simbahan.
Fr.Romeo C. Marcelino, OMI
Grace Park Cross January 5, 2003

Comments
Post a Comment