NASA PANIG NATIN ANG DIYOS
Ang bundok ay isa sa mga natatanging lugar sa Bibliya na kung saan si Hesus ay madalas na nangangaral sa mga tao. Sa ebanghelyo ngayon, makikita natin na si Hesus ay umahon sa bundok matapos na Makita ang napakaraming tao at siya ay nangaral.Sa Lumang Tipan ay palagi nating matutunghayan na madalas na magpakita ang Diyos sa bundok. Sa bundok ng Sinai nakipagtagpo si Yahweh kay Moises at dito rin ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises ang Sampung kautusan (Eksodu 19-200.Si Moises ay nangaral mula sa bundok ng Sinai.
Kung alam natin ang kwentong ito at naman natin mula sa
Ebanghelyo ayon kay Mateo na si Hesus ay nangangaral sa bundok ay biglang
papasol sa isip natin na si Hesus ay inihahalintulad ni Mateo kay Moises. Si Hesus
ang Bagong Moises; Siya ang Mambabatas na isinugo ng Diyos Ama upang tayo ay
akayin patungo sa kanyang Kaharian katulad ng pag-akay ni Moises sa mga
Israelita mula sa Ehipto. Kung ang pinakalaman ng mensahe ni Moises ay ang
Sampung Kautusan, kay Hesus naman ay ang beatitudes.
Ano nga ba ang mensahe ng mga turo ng pagpapala o
beatitudes? Simple lang. Ito ay tungkol sa NATATANGING PAGKALINGA NG DIYOS SA
MGA NAGHIHIRAP! Kung ating susuriing maigi ang turo ng pagpapala ay makikita
natin na ito ay nagtataglay ng mga pangako ng Diyos sa mga taong nakakaranas ng
iba’t-ibang klase ng paghihirap. Subalit, mapalad ang mga mahihirap hindi dahil sa kanilang kahirapan kundi dahil
sa natatanging pagkalinga sa kanila ng Panginoon.Hindi sila mapalad dahil sa
sila ay nasa miserable sitwasyon kundi dahil sa espesyal na atensyon na
ibinibigay sa kanila ng Diyos.Ang atensyon na ito na ibinibigay ng Diyos ang
siyang nagdudulot ng pagpapala at kaligayahan sa mga naghihirap. Marahil ay
maitatanong natin ang ganito, ”Kung si Hesus nga ay may pagkalinga sa mga
mahihirap at sa may mababang kalooban, bakit naghihirap pa rin sila sa kanilang
buhay? “Simlpe lang ang sagot,hindi pa ito ang wakas. Ang pag-ibig at
katarungan ng Panginoon ang siyang mangingibabaw..
Ngayong Linggo, lumalabas sa Ebanghelyo ang larawan ng isang
Diyos na taga-pagtanggol ng mga inaapi; isang Diyos na inuuna ang mga lubos na
nangangailangan katulad ng isang doctor na inuunang gamutin ang nasa bingit ng
kamatayan kaysa mga nagpapakonsulta lang.
Napakasarap namnamin ang mensahe hated ngayon ng ebanghelyo.
Sa gitna ng kahirapan na ating nararanasan sa buhay sinasabi ng Diyos sa atin
na mapalad tayo sapagkat ang kanynag atensiyon ay nakabaling sa atin. Kung kaya
sa panahon na tayo ay may mga mabigat na suliranin pinapaalalahanan tayo ng
ebanghelyo ngayon na huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat ang diyos ay nasa
panig natin at patuloy na umaakyat upang tayo ay mahango sa kahirapan.Kung
papaanong ang Panginoon ay kumikiling sa mga dukha,gayon din naman ang hamon sa
atin. Tayo rin ay inaanyayahang bigyan ng pansin ang katayuan ng mga dukha at
maging instrument ng kapayapaan sa ating kapwa.
Rev: Lari Asilo,OMI
Grace Park Cross February 3,2002

Comments
Post a Comment