KATULAD NG MGA BATA…
Marami sa mga paring katulad ko ang nagbabahagi ng kanilang magagandang karansan sa kanilang pakikisalamuha sa mga simpleng tao o mahihirap. Bilang tagapagpapahayag ng Mabuting Balita o Salita ng Diyos, malimit na ang mga tao ang nakapagtuturo sa amin ng tunay na diwa ng Ebanghelyo. ”We are evangelized by them,” wika ng mga pari. Bakit kaya? Maitatanong natin sa ating sarili gayong ang mga pari ang nag-aaral ng bibliya. Sila rin ang mga taong nagsasaliksik ng mga bagay tungkol sa Diyos.
Totoo, maari ngang ang mga relihiyoso ang nataguriang pangunahing
mag-aaral ng Teolohiya subalit hindi limitado ng pag-aaral na ito ang mga
pagbubunyag ng Diyos. Kadalasan, inilalagay natin sa letra at mga ideya ang
Diyos gayong Siya ay buhay at nakikisalamuha sa atin. Bagama’t may merito ang
ginagawa nating pag-aaral, hindi ito dapat hayaang mapako sa ating iniisip at
sinasabi na wala ng halaga pa ang mag-aral tungkol sa Diyos.
Ang sinasabi ng mga pari ay sinasaad rin sa ating
Ebanghelyo,ngayoong Linggo ng wikain ng Panginoon: “Pinasasalamatan kita, Ama,
Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga
matatalino at inihayag sa may kaloobnag tulad ng mga bata. ”Bakit kaya kung
minsan nga ang mga bata pa at mga simpleng tao ang nakababatid ng pananahanan ng
Diyos sa atin. Ano ang mayroon sila?
Isang katangian ng bata ang pagiging bukas ng puso at isip.
Anuman ang ituro mo sa kanila ay
tatanggapin nila nang may pagtitiwala. Ganito rin ang dapat nating maging ugali
at disposisyon sa harap ng Diyos upang makilala natin Siyang tunay. Ang mga mahihirap
at sampling tao naman tulad sa mga bata ay wala ng inaasahan kundi ang Diyos.
Ito ang nagbubunsod sa kanilang manalig nang lubusan sa Panginoon dahil wala na
silang iba pang makakapitan. Di tulad ng mga matatalino na sa patuloy na
paggamit ng kanilang kaalaman, kung minsan ay nawawala na ang tunay na diwa ng
pagiging Diyos ng Diyos.
Gumaya tayo kay San Ignacio ng Loyola na naging handing
ipagkaloob sa Diyos ang kanyang “kalayaan, kalooban, isip, gunita, lahat ng
niloloob, at ng lahat ng pag-aari”. Ang kanyang pagiging mahirap at simple sa
harap ng Diyos ang naging daan din upang kamtin niya ang kadakilaan bilang
banal at “marapating pagpahayagan ng Anak” kung sino ang Ama.
Fr.Romeo C. Marcelino, OMI
Grace Park Cross July 7, 2002

Comments
Post a Comment