HUWAG HUMATOL NANG HUWAG MAHATULAN
May kasabihan na “matsing man ay naiisahan din.” Ang pariseo at eskriba sa ating ebanghelyo sa linggong ito ay gumagawa ng isang mapaglansing bitag laban kay Hesus. Sila ay nagpakanang maisakan si Hesus dahil ito ay naging banta sa kanilang karangalan at katayuan sa lipunan bunga ng bukas-kamay na pakikisalamuha ni Hesus sa mga makasalanan at itinatakwil.
Alam po natin na sila,ang mga pariseo at eskriba, ay kilala bilang mga relihiyosong tao. At sila rin po ay mahigpit na tumutupad sa lahat ng kautusan ng batas kaya walang puwang sa kanila ang mga nagkakamali at nagkakasala. Ito ang dahilan kung bakit nais nilang kontrahin si Hesus.Para sa kanila, ang Gawain ni Hesus ay isang malaking hampas sa kanilang pinaniniwalaan at nakagawiang asal.
Yayamang ang pakikiapid ay hindi naayon sa kautusan ng batas, ginamit nila ang sitwasyon ito upang ipahamak at mailagay si Hesus sa kompromiso. Kaya dinala kay Hesus ang babaeng nahuli sa pakikiapid upang pahatulan siya.
Alam ng mga pariseo at eskriba na kung itataguyod ni Hesus ang batas, ang kanyang reputasyon bilang kaibigan ng mga makasalanan ay masisira; at kung ipagtatanggol namanni Hesus ang nakikiapid, Siya ay maaari nilang pagbintangang lumabag sa batas.
Subalit hindi nagtagumpay ang masasama nilang balak. Sa halip, sila pa ang nakompromiso. Isang malaking boomerang sa kanila nang sila ay pagsabihan ni Hesus ng ganito, ”Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” Ganyan katindi ang leksyong bigay ni Hesus sa mga nagmamalinis. Sa kanyang pananalita iminulat ni Hesus ang mga leksyong bigay ni Hesus sa mga nagmamalinis. Sa kanyang pananalita iminulat ni Hesus ang mga pariseo at eskriba sa kanilang mga malalagim na saloobin. Silang mga gumagawa ng panghatol ay natauhan na sila ay may kahinaan at pagkakasala rin.
Ito ang karaniwang nangyayari kapag tayo ay naging mapanghatol sa iba. Bumabalik sa atin ang kahatulan dahil ang nakikita natin sa iba ay an gating sariling mga anino. Tayo na ngayon ang dapat na isakdal. Habang wala tayong pagkilala at pagtanggap sa ating sariling kahinaan at kasalanan,madali sa atin ang gumawa ng hindi makatarungang panghatol sa iba. Di po bam as madaling hanapin ang puwing sa mata ng iba kaysa puwing ng ating sariling mata?
“Matsing man ay hindi sa lahat ng oras ay makakaisa.” Ang mga pariseo at eskriba ay nabigo sa kanilang masamang balakin laban kay Hesus. Ito ai isang pagpapatunay na ang sinumang tumatayo sa katotohanan ay ligtas at Malaya. Si hesus ay tumatayo sa katotohanang Siya’y isinugo ng Ama upang iligtas ang mga makasalanan at hindi upang hatulan sila.
Fr. Gene P. Gilos,OMI
Grace Park Cross March 29, 1998

Comments
Post a Comment