GAANO KATATAG ANG ATING PANANAMPALATAYA

GAANO KATATAG ANG ATING PANANAMPALATAYA

Isang pagtatalo ang naganap sa mga pari na nakatagala sa Mindanao. Ito ay tungkol sa paglalagay ng krus sa mga simbahang itinatayo ng mga katoliko. Sabi ng isang pari, “huwag tayong maglagay ng krus dahil ito ay hindi kaaya-aya sa mga muslim. Sumagot naman ang ikalawang pari. “Ano ba ang pagpapatunay na ating ginagawa, ito ba ay ayon sa tingin ng mga muslim, o ayon sa pinanaligan nating mga Kristiyano.

Ang tagpong ito ay natanim sa aking puso hanggang sa kasalukuyang panahon dahil sa marami pang kaugnay na karanasang humahamon sa aking pananampalataya o pagsaksi dito. Tulad din ng maraming mga kristiyano na nagpupunta sa ibang bansa lalo na sa  lugar na hindi tanggap ang kanilang relihiyon. Ang iba sa kanila ay napipilitang magbago ng relihiyon dahil sa kagustuhang makapagtrabaho o kumita ng maraming pera. Posisyon, katanyagan, kayaman, dignidad ito ay ilan lamang sa mga bagay na sumusubok sa katatagan ng ating pananampalataya.

Sasabihin naman ng iba sa kanila. ”Hindi naman kami lubusang sumama sa kanilang pinanampalatayaan. Ginawa lang naming iyon dahil sa pangangailangan”. Kung minsan ang isip ko ay nagmistulang tagahatol sa mga taong ganyan pero hindi rin maatim ng aking konsensiya ang pagtanggap at pangunawa ko sa Ebanghelyo na tayo’y dapat manindigan hanggang kamatayan sa harap ng paghihirap, pag-uusig, o gutom o tabak. Ang pagsaksi kay Kristo ay hindi maaaring katamtaman lamang o paminsan-minsan. Ito ang kailangan maging lubos at panghabangpanahon.

Ito marahil ang apoy na dulot no Kristo sa kanyang pagparito- ang buhay na pananampalataya na nasasalamin sa lahat ng ating kilos at sinasabi. Ito ay hindi nangingimi o sumisino sa kaharap. Wala itong pinipiling sitwasyon o panahon kung kalian dapat ipahayag o patunayan. Ang katotohanang hawak natin na nagmumula sa ating Panginoon ay dapat na maging basehan ng lahat ng ating iniisip o hinahangad.

Bakit tayo mangingiming gumamit ng krus sa harap ng ibang pananmpalataya gayong iyon ang buod ng ating pinaniniwalaan. Sa krus ni Kristo dumadaloy ang apoy ng kamatayan at buhay hanggan. Ito rin ang nagpapadalisay sa ating buhay upang maging tunay na mga saksi.

Kung minsan, ang ating pagsunod kay Kristo ay nagdudulot sa atin ng pag-uusig ng iba tulad ng nangyari kay Propeta Jeremias sa  ating unang pagbasa. Kung minsan nama’y paghihirap ang bunga nito tulad ng ipinapahayag ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Minsan hahamunin tayo nito upang sumalungat sa ating sariling pamilya, kaibigan, o iba pa tulad ng paalala sa ating paglalagay natin kay Kristo bilang pinaka-una sa lahat sa ating buhay maging sa ating pamilya. Sa pinakamalalim na pagtingin, kung ganito ang magyayari, walang taliwas sa ating buhay dahil kung tayo’y panig sa katotohanan, lahat ay makikinabang. Maging yaong hindi tumatanggap nito sa unang pagtingin sa bandang huli,iyon din ang kanilang kahahantungan.

Fr. Romeo Marcelino, OMI
Grace Park Cross  August 19, 2001

Comments