“ANO NGAYON ANG AMING GAGAWIN!”

“ANO NGAYON ANG AMING GAGAWIN!”

Ang Ebanghelyo sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento ay pangatlong bahagi ng pagpapahayag ni San Juan Bautista: ang unang bahagi ay pagpapahayag tungkol sa panahon ang pangalawa ay tungkol sa pamumuhay ayon sa moralidad, at ang pangatlo ay tungkol sa pagdating ng Mesiyas o Tagapagligtas.

Ang unang bahagi ng pagpapahayag ay kakilakilabot. Ang unang mga salita ni Juan ay “Lahi ng mga ulupong! Sapagdating ng huling paghuhukom, hindi magagamit ng mga nakikinig na Hudyo ang dahilan na mga anak sila ni Abraham at sa gayo’y ligtas na sila. Ang tunay na mga anak ni Abraham ay ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos.Kahit mula sa mga bato ay makalilikha ang Diyos ng mga anak para kay Abraham. Sa huling paghuhukom, hindi tayo maliligtas dahil lamang sa tayo’y mga Katoliko. Ang kailangan ay mamuhay tayo bilang mga tunay na Katoliko.

Ang pangalawang bahagi bilang naman ay sinimulan ng tanong ng mga nakikinig, “Ano ngayon an gaming gagawin?” Ang sagot ni Juan ay hindi na kailangan sumunod sila sa kanya sa iwanan ang kanilang tawag o bokasyon sa buhay. Mamuhay lamang sila nang makatarungan, bigyan-pansin at tulungan ang mga dukha at nangangailangan.Ang mga sundalo ay sinabihan niyang: “huwag mangikil o magparatang ng hindi totoo kaninuman at masiyahan sa inyong suweldo” (Lk 3:10-14)

Sa pangatlong bahagi, inilrawan ni Juan Ang Darating (na  Mesiyas) at ipinaliwanag niya ang pagkakaiba nito sa kanya: ang pagbibinyag ni Juan ay sa tubig,samantalang ang pagbibinyag ng Darating (na mesiyas) ay sa Banal na Espirito. Mas makapangyarihan ang Darating kaysa kanya. Ang pagbibinyag ni Juan Bautista ay para sa pagbabalik-loob sa Diyos,samantalang ang pagbibinyag ng Mesiyas ay para sa pagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Ang pagdating ng Mesiyas ay panahon ng paghuhukom at ito’y napakadakila,kaya kailangang maging handa ang tao. Ang paghahanda ay sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa lalung-lalo na ang mga dukha at maralita.

Dalawang uri ng tao ang tinutukoy sa pagpapahayag ni Juan. Ang una ay iyong mga natutuwa na, tulad ng mga Hudyo, ang pagiging anak ni Abraham ay sapat na. Akala nila ay nasa tamang lugar sila at nananabik sila sa pagdating ng paghuhukom dahil matatanggap nila ang gantimpala aat parurusahan naman ang mga masama. Ang pagalawang uri ng tao ay ang mga natatakot sa huling paghuhukom at nababalisa at nagiging “insecure’ dahil sa kanilang nagawang masama.

Ang Mabuting Balita ay walang kaugnay sa  dalawang yring ito ng tao. Hindi ito pampalubag-loob para sa mga nagpapanggap na makatarungan at hindi rin naman ito dahilan upang mabalisa ang mga “insecure”.

Ang Mabuting Balita ay: “hindi natutulog ang Diyos” kahit na parang maggulong-magulo ang mundo o parang wala Siyang ginagawa upang maayos ang takbo ng mundo. Kahit na parang malayo sa atin ang Diyos,inaalagaan pa rin tayo. Ang hinihiling ng Diyos aymamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos upang maging anak ng Diyos at matanggap natin ang Mesiyas sa Kanyang pagdating.

Fr. Jose Dorotheo Ante, OMI
Grace Park Cross December 17, 2000

Comments