ANG HANDOG NG BANAL NA ESPIRITO

ANG HANDOG NG BANAL NA ESPIRITO

Araw ng pentekostes! Nagulat ang mga tao sa Hagunot ng hanging nagbadya sa Pagdating ng Banal na Espiritu sa Munting Kawan ng mga alagad ni Kristo Naroon si Mariang Ina ni Hesus. Naroon ang mga Apostol. Naroon ang unang mga alagad ni Kristo. Nagkakaisa sila sa pananampalataya,panalangin, at paglilingkod. Iyon ang Munting Kawan—ang Simbahan ni Kristo sa makabagonh panahon. Ang Pentekostes ang araw ng Pagtatanyag ng Simbahan sa sandaigdigan.

Ang unang Alay ng Kristong muling nabuhay sa Kanyang Simbhan ay ang BANAL NA ESPIRITU. "May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapang sa bawa’t isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t-ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.” Lalong namangha ang mga tao dahil sinasalita ng mga Hebreong alagad ang iba’t-ibang wika nila-mga taga –Partia, taga – Elam, taga- Arabia, at iba’t-ibang bahagi ng Asya! Ang Espiritung isinugo ni Kristo mula sa Ama ay nangungusap sa buong mundo!

Maliwanag na nag Banal na Espiritu ay isang Dakilang Handog na ipinagkakaloob ni Kristo sa atin UPANG IBAHAGI SA LAHAT. Hindi natin maaaring sarilinin ang Espiritu ng Diyos. Hindi Siya maaaring itago o pigilin ng sinuman pinakaloobang makakita sa kanya at sa kanyang mga Bunga. Sa kabalintunan, ang Banal na Espiritu at ang mga Bungang Kanyang presensiya ay lalong nagiging ganap sa isang tao o isang samahan habang ito’y bukas-pisong ibinabahagi!

Ang panalangin natin ngayong Pentekostes ay papuspos tayong muli ng Banal na Espiritu, upang tayo’y maging daluyan ng Kanyang presensiya at mga handog sa ating kapaligiran, lalo na saating pamilya. Sa bunsod ng Banal na Espiritu, maging mulat tayo sa mga bagay na salungat sa pagkabuo at pagtataguyod ng mag-anak — pagtataksil, mga bisyo, mga panukalang makamundo, pagmamalupit, paghihiganti, at iba pa.

Sa halip ay idalangin natin at pagsikapang maging ganap sa ating mga Pamilya at sa Sambayanan ang mga pananahan ng Banal na Espiritu. “Ang bunga ng kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang utos laban sa ganitong mga bagay” (Galacia 5:22).

Padre Ben Gomez, OMI
Grace Park Cross May 19, 2002

Comments