“ABOT-KAYANG KABANALAN”

“ABOT-KAYANG KABANALAN”

Sa mga nakaraang Linggo ng Adbiyento, mga Misa de Gallo pagdiriwang ng pasko sa taong ito, dito sa ating parokya ay sinikap nating gawing sentro ng mga pagninilay ang Pamilyang Pilipilno. Nararapat lamang ito sapagkat ang pamilya ang siyang mabiyayang lugar ng pag-usbong at paglago ng pananampalatayang ganap. Dahil dito, an pamilya nga ay angkop na tawaging isang “domestic chuch” Batid din natin na sa lipunan, ang pamilya ang siyang mumulan ng mga maasahang mamayan na gaganap sa iba’t-ibang gawaing nakatuon sa pag-unlad ng bayan.

Kaya naman hindi tayo maaaring magkamali sa anumang Gawain na ang kapakanan ng pamilya ang  siyang layunin. Ang bayan ng Diyos at ang lipunan ay kapwa nakikinabang sa pagkakaroon ng matibay at banal pamilya.

Sa linggong ito ay itinampok natin ang banal na mag-anak nina Jose,Maria, at Hesus bilang huwaran at sanggalang ng ating pamilya. Nakikilala natin ang kabanalan ni Jose sa kanyang pagiging isang matuwid na tao–handing making at sumunod sa kalooban ng Diyos, at may malasakit para sa kapakanan ng kanyang mag-anak.

Nakikilala rin natin ang kabanalan ni Maria sa lubos niyang pagbibigay ng sarili sa Diyos, kung sasan ay nabuo mismo sa kanyang sinapupunan ang Salita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espirito ng Diyos; at sinamahan niya ang kanyang anak na si Jesus, di lamang sa sabsaban kundi hanggang sa kamatayan.

At  si Hesus naman, banal siya sa kanyang pagiging masunuring Anak ng Diyos, matupad lamang ang hangad na pagliligtas ng Ama sa sanlibutan.

Sina Jose at Maria, sa kani-kanilang sarili pagiging isang mag-anak kasama ang Panginoong Jesus, ay nagtataglay ng kabanalan na pinaghalong biyaya ng Diyos at pagsikap ng kanilang pagkatao. At kung paanong nakikiisa sila sa ating pagkatao, naroon din para sa bawat isa sa atin at bawat pamilyang Kristiyano, ang pagtatamo ng kabanalan.

Ang pagiging banal ay nangangahulugan ng pagiging ligtas sa mga suliranin ng buhay sa mundo. Ang pagiging banal ay nasa pakikitungo sa Diyos, na di nagkukulang sa kanyang mga biyaya para sa mga nananalig sa Kanya; at sa pakikitungo sa kapwa at sa likha ng Diyos nang may malasakit at pagkalinga. Sa may pananlig at pagsisikap, tunay na abot-kaya ang kabanalan.

Fr. Mon Bernabe, OMI
Grace Park Cross December  30,2001

Comments